may kanya kanyang hinahanap
ang bawat isa sa ating mga nilalang
na malayang gumagala
sa mundong ito
mayroong naghahanap ng kayamanan
na magbibigay kaligayahan
sa pamamagitan ng pagkalap
ng mga kaariang
magsisilbing amo
dahil sa pangangalaga
na kakamtin ng mga bagay na ito
mayroong naghahanap ng pag-ibig
na syang magpupuno
sa puwang na nararamdaman
sa kakulangang nadarama ng bawat isa
ngunit kadalasan, sa ganitong sitwasyon
ang pumupuno ay ang sya ring
nagpapalawak at nagpapalalim
ng puwang na nararamdaman
mayroon ring naghahanap ng saysay
sa mundong pawang puno ng
talinghaga at kaguluhan
ngunit sa kakahanap sa mailap na
kabuluhan sa buhay na ito
kadalasa'y nalalampasan rin lang
ang mga simpleng bagay
na nagbibigay saysay
sa karamihan
ano nga ba ang dapat na hanapin?
bakit iba iba tayo ng hinahanap?
may saysay pa nga ba ang paghahanap na ito?
o nagsisilbi lamang itong pampalipas ng oras
habang nabubuhay sa kapanahunang ito?
No comments:
Post a Comment